Saturday, December 26, 2009

ang pangarap kong snow

hope y'all had fun celebrating christmas and didnt forget the reason why we have pasko... this is a late post but i have been busy but still i want to share this essay made by my cousin who currently lives and works in korea... and i shed a tear while reading this piece, made me more thankful that i always spend the holidays with my family.. and this piece made me appreciate and admire all the OFWs... this one's for all the OFW sacrificing for their families... please read on.


========

"Silver bells, silver bells, it’s Christmas time in the city, children laughing, people passing, dressed in holiday style and on every street corner you’ll see… hmmmm, hmmmm... " napapasabay talaga ako sa mga Christmas songs na pinapatugtog sa paligid ng mall. Ramdam na ang presensya ng pasko dito sa Korea, kagaya nga ng kanta sa mall na pinuntahan ko, bawat sulok ay abala sa paghahanda sa paparating na kapaskuhan. Madami na ang nagkalat na Christmas light. Habang naglalakad ako pauwi sa aking tinutuluyan, napadako ako sa isang tahanan na nakaagaw sa aking atensyon kumakanta ang buong pamilya ng isang awiting pampasko,hindi ko man gaano maintindihan ang mga lyrics na kanilang inaawit, alam ko namang isa iyong Christmas song at pamilyar ako doon sa kantang iyon, Silent Night, kasabay ng nakakatuwang senaryong iyon ay ang malumanay na pag-ulan ng snow. Abuhang puting kulay, at dagli ay pumanaw ang ngiting dulot ng kagandahan ng nasa aking paligid, napailing na lamang ako at nasabi sa sarili kong, “it’s another white Christmas of my life”.


“Gusto ko ng SNOW…”, iyan ang madalas kong sabihin nung bata pa ako. Oo nga at ngayong nasa Korea na ako at nagtatamasa ng pinapangarap kong snow ay may tunay na kulang pa rin, kakulangang hindi kayang punan ng snow na aking matagal ng pangarap. Bagamat kailangan kong tatagan ang aking sarili ay nagiging marupok ako kapag PASKO ang paksa ng usapan. Akala marahil nang iba o ng karamihan na palibhasa at nasa ibang bansa ay bongga at sosyal ang magiging pasko mo, ngunit ito ay kabaligtaran sa kanilang inaakalang kagandahan, maling-mali sila. May snow, maganda at magarang bihis ng kapaligiran, at mga kakaibang pustura, ilan lamang iyan sa mga panandaliang saya namin dito.


Isa na lamang sa mga bagay na iniisip ko sa tuwing ako ay aabutin ng pasko sa aking pagtatrabaho dito sa Korea, ay ginagawa ko ang trabahong ito ng buong puso para makapagbigay ng isang maganda at masaganang pasko sa aking mga mahal sa buhay sa Pilipinas. Sa ganitong paraan ay naiibsan ang pangungulila ko sa kanila, lalo na at kapag nalaman kong nasiyahan sila sa aking mga ibinigay na mga regalo.


Masasabi kong walang tatalo sa leche flan at suman nina lola at nanay, sa karoling ng mga kapatid ko, iba pa rin talaga ang pakiramdam kung pamilya mo ang kasama mo. Ngunit ngayong lilipas na naman ang pasko ko na tanging ang binaong larawan at ang paulit-ulit na voice recorded tape lang ang aking makakasama bilang tanging kasama sa pagdiriwang ng kapaskuhan, sandali lang, ilang beses ko na nga bang napakinggan yun? Hindi ko na rin mabilang. Galing-galing na nga lang kung magagawa pa naming magtipun-tipon ng mga tulad kong nakikipagsapalaran dito sa Korea para makatulong sa aming pamilya, kung minsan kasi kahit pasko ay naghahanapbuhay pa rin ang iba sa amin. Kadalasan din ay ginugugol nila ang pasko sa pamamgitan ng pagiging abala sa pagtatrabaho at isa na rin ako sa mga iyon, dahilan namin ay, “…mabuti na ang ganito kaysa mamatay sa lungkot ng pag-iisip na isa na namang pasko ang nagdaang hindi ko nakapiling ang aking pamilya…” Kapag nagkakataon paminsan ay kami-kami ng mga kasamahan kong OFW ang gumagawa ng paraan para lamang maibsan ang kalungkutan, maging ang payak na tawanan pero minsan ito ay nauuwi rin sa iyakan. Kanya-kanyang saloobin ay naglalabasan na. At kakambal nga ng presensya ng kapaskuhan, nariyan ang mga kahilingan nila na kahit hindi namin kayang ibigay ay pinagsusumikapan namin, mapasaya lamang ang mga minamahal naming nasa Pinas, dumadating pa nga sa puntong iuutang namin sa aming amo at iyon ang ipambibili namin ng kanilang mga kahilingan, at kung minsan pa nga ay tinitipid namin ang aming mga sarili may mailaan lamang sa kanila, sabi nga nila, “it’s better to give than to receive” at “share your blessings”


Hindi ko rin naman mapigilang ikumpara ang pasko ng mga koreano at pinoy. Dito sa Korea, bongga nga ang pasko gaya ng obserbasyon ko sa paligid, papalapit pa lang ang pasko ay tila paskung-pasko na talaga dito at siyempre may snow. Kaibahan sa atin simple lamang dala na rin ng ating mayamang kultura, pero parang piyesta, sama-sama ang buong angkan pati pa nga ang mga kapitbahay. bigayan ng pagkain, pamamasko ng mga mumunting bata sa kanilang mga ninong at ninang. Sabay-sabay na pagbubukas ng mga regalo at ang pinakamahalaga sa mga Pinoy, ay ang nine mornings o mas kilala sa tawag na “SIMBANG GABI”. Kagaya nga ng nasa kanta ng isang singer na Pinay, “…may tatalo pa ba sa pasko ng ‘Pinas? Ang kaligayahan nami’y walang kupas…”, may tatalo pa nga ba sa ating Pasko? ‘diba wala?


Lahat ng iyan ay ang mga ala-alang binabaon ko sa tuwing magpapasko sa Korea. Ipinapagpasalamat ko na lamang sa Diyos na sa oras ng kalungkutan, hindi Niya ako pinababayaan, maging ang aking pamilyang nasa Pilipinas.
Ngayon, habang nag-aayos ako ng mga ipapadala sa kanila bilang regalo, naisip ko lang, kamusta na naman kaya ang magiging pasko nilang hindi na naman nila ako kasama?


0 meow:

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails